HULING YAKAP
Unang araw ng taon. January 1, 2016.Byaheng Norte ako, kasama ng pamilya ko.Sakay ng Victory Liner bus patungong Pangasinan.Muli, dadalawin ka namin.
Noong bata pa ako, tandang tanda ko pa na sa tuwing isasama ako ng aking ama o kaya ng aking mga tita at tito, excited ako na makarating agad dahil alam ko na may naghihintay sa akin na lola.Kwento mo pa nga sa akin na binibilang mo ang mga bus na dumadaan at sa tuwing may hihinto sa tapat ng bahay nyo, ikaw ay umaasa na kami na ang taong hinihintay mo.Mula umaga hanggang gabi, ikaw ay naghihintay sa aming pagdating.At kapag dumating kami, sinasalubong mo kami ng iyong mainit na yakap at halik.Natatandaan ko pa na sa tuwing kakalungin mo ako, susuklayan mo ang aking magulong buhok at ibubulong sa aking mga tenga kung gaano mo ako kamahal, kami ng mga apo mo.Gustong gusto ko ang pakiramdam na yun. Parang ako na ang pinakaswerteng apo. Dahil ramdam na ramdam ko ang init na iyong pagmamahal na sa kahit sa musmos kong edad ay aking naramdaman.
Ilang taon ang lumipas, hindi kita nadalaw. Lumaki ako, nakapagtrabaho, naging isang Ina, naging abala sa lahat. Palagi mong itinatanong kung kailan ako pupunta. Palagi kang umaasa sa aking pagbabalik.Patawad Inang sa hindi ko pagbisita sayo ng ilang taon. Sa mga panahon na wala ako sa tuwing binabanggit mo ang pangalan ko. Sa mga panahon na gusto mong ikwento sa akin ang mga kakaibang kwento na nakakapagpatawa sa akin at nakakapagpasaya sayo.
Bago sumapit ang Pasko, nagkita tayo kasama ang aking mga kapatid at mga apo mo sa tuhod.Kagaya ng dati, matyaga ka pa ring naghintay sa aming pagdating.Nakita ko ang tuwa sa iyong mga mata nung nakita mo kami.Ang pagluha mo sa tuwa nung dumating kami.Kung gaano ang iyong pananabik sa aming mga yakap at halik.Ramdam na ramdam ko pa rin hanggang ngayon ang init ng yakap mo.Ang init ng pagmamahal ng lola sa apo.Bingyan pa kita ng balabal at sinabi ko sayo na tuwing makakaramdam ka ng lamig, gamitin mo ito upang makaramdam ka ng init at sa tuwing gagamitin mo ang balabal,Iyon ang magpapaalala sayo na nasa tabi mo lang ako, kasama mo.Niyakap mo ako sa tuwa. Hindi ko akalain na ang yakap na yun pala ayAng Iyong Huling Yakap.
Sa iyong paglisan, alam ko na naghihintay sayo si Amang sa langit upang muli, kayo ay magkapiling. Ang yakap na ipinaramdam mo sa amin, ngayon ay mararanasan mo naman ngayon sa piling ng ating Panginoon.Sasalubungin at yayakapin ka nya ng buong higpit. at hinding Hindi ka na makakaramdam ng anumang hirap at sakit.
Maraming salamat sa yo Inang sa pagmamahal na at ipinadama mo sa amin.Babaunin ko ang mga kwento at aral na ibinigay mo sa amin.Hindi ka namin malilimutan. Mahal na mahal ka namin.