Self Expression Magazine

Anak Ka Ng Tax Ng Inang Bayan Ko! (An Open Letter to Corrupt Filipino Senators and Congressmen)

Posted on the 18 September 2013 by Desiree Munoz @createpinoy
PictureSpot the controversial! Habang ako ay naglalakd pauwi, nag-iisip ako kung saan ako kukuha ng pambayad ng aming renta sa bahay. Hanggang huwebes na lang ang alugit sa amin ng may-ari ng bahay kundi maari kaming mawalan ng bahay na matitirhan.
Nakakalungok kasi kahit anong piga ko sa utak ko sa kakaisip wala akong alam na mapagkukunan ng pera. Kung kaya't ang madalas ko na lang sabihin sa sarili ko, "bahala na ang Diyos, may darating din naman na pera, malapit na ang sweldo sa susunod na linggo makikiusap na lang ako..."
Sa lalim ng aking pag-iisip pumukaw sa akin ang tax na kinakaltas sa akin tuwing sweldo. Bilang isang call center worker, na laging puyat sa gabi, na ginagawang araw ang gabi, napakalaki pala ng tax ko. Isipin mo na tuwing sweldo, dalawang beses sa isang buwan kang kakaltasan ng anim na libo (PhP6000), so lumalabas na labing-dalawang libong piso (PhP12,000) bawat buwan. Sa loob ng isang taon suma total nito tumataginting na PhP144,000 lang naman. Maliban pa dyan kung tax payable ka pagdating ng December. At sa loob ng mahigit sampung taon (10 years!) kong pagtatrabaho, mahigit isang milyon (PhP1 million) na ang naibigay ko sa pamahalaan. 
Doon ko naisip na sana kung di ako nagbabayad ng tax, hindi sana ako naglalakad pauwi, may sarili na din siguro akong sasakyan, hari na rin sana ako ng kalsada tulad ng mga pulitikong magagara ang mga sasakyan,
Naisip ko din na kung di ako nagbabayad ng tax, hindi ko iisipin kung saan ako kukuha ng pambayad sa renta. Sana may magara na din akong bahay tulad ninyong mga pulitiko. May sariling condo, may aircon at hindi iisipin kung saan kukuha ng pambayad ng kuryente.
Habang lalong tumatagal ang aking paglalakad, kung hindi ako nagbabayad ng tax sana, hindi ko iisipin kung saan ako kukuha ng pang-lunch ko mamaya, kung sa Mcdo, KFC ba ako kakain o sa pares na lang sa Jollyjeep. Sana katulad din ako ng mga politikong laging hamon ang handan, laging may handaan at parang laging fiesta.
Kung hindi ako tuwing sweldo nagbabayad ng tax, malamang naikot ko na ang buong mundo gamit ang perang sa gubyerno. Nakita ko na sana ang 7 wonders of the world, lahat ng Disneyland at nakolekta ko na ang lahat ng souvenir items, hindi sa telebisyon na lang ako nanunuod at umaasa na mapuntahan ang mga lugar na ito. Katulad sana ako ng mga pulitikong kunwari'y business trip ang punta pero inaayos nila ang mga nakaw nilang yaman para ma-ideposito sa ibang bansa.
Marami pa akong naiisip na pwedeng mangyari kung hindi sana ako nagbabayad ng tax ko tuwing sweldo. Pero mahal ko ang bayan ko, ang bayan ko na patuloy na inaabuso ng mga pulitikong nangako na ito ay puprotektahan. Nakakalungkot na sa ngayon ito ay pero hanggang sana lang. Kailan kaya darating ang araw na ang unang iisipin ng mga pulitikong ito ay ang kapakanan ng mga taong nagpapasweldo sa kanila?
Diba ang sabi nyo kami ang boss niyo? Kaming mga tax payers ang BOSS niyo, eh bakit parang kami pa ang nagmamaka-awa ngayon? 
Naniniwala ako na hindi pa huli ang lahat, patuloy pa rin akong maniniwala na may hustisya sa bayan ko. Patuloy pa rin akong maniniwala na may mga lider na kayang manindigan para sa katotohanan. 
Patuloy pa rin akong magbabayad ng tax, patuloy pa rin akong magtatrabaho, pasasaan ma't makukuha ko din ang gusto ko, ang masunod ako dahil ako ang totoong boss nyo...
Pinoy Tax Payer,
Ron Timoteo ng Paco, Maynila


Back to Featured Articles on Logo Paperblog

Magazine